Radiance

Isa sa mga pinakamahusay na eksena sa medyo magandang pelikulang ito’y nang makipagkita ang nabubulag nang photographer na si Masaya Nakamori (Masatoshi Nagase) sa kanyang mga kaibigan. Ang isa’y hindi sensitibo sa kanyang damdamin, at nagsalita tungkol sa kung paanong hindi nito matitiis na magaya sa sitwasyon ni Nakamori. Ang isa naman, ipinagmalaki ang pagkalagay ng kanyang litrato sa cover ng isang magazine, pero nang hingin ni Nakamori na ilarawan ito, puro lang abstraktong kalokohan ang nasabi. Pauwi, tensyonado ang manonood dahil gigiray-giray si Nakamori. May sasabog. At, iyon na nga, nadulas s’ya sa suka. Mas malala, may nagnakaw ng pinakamamahal n’yang camera. 

Photo by Bruno Scramgnon on Pexels.com

Kung sana naging iba ang sumunod na nangyari, hindi lang sana medyo ang kagandahan ng Radiance (dir. Naomi Kawase, 2017). Pero, ayun na nga, nakita ng bidang si Ayame Misaki (Misako Ozaki) si Nakamori, para magkamoment sila. Ito ang pangalawang d-sinasadyang makasalubong n’ya ito (ang una’y sa playground, kung saan natunghayan n’yang mabait naman ito sa mga bata, i.e. rude ito pero mabait). 

Kung tutuusin, sumusunod nga ang Radiance sa estruktura ng romcom: (1) may kakaibang babae, si Misako, na nagsusulat ng paglalarawan ng mga pelikula para sa mga bulag, na makikilala (2) ang isang kakaibang lalake, si Nakamori; (3) hindi sila agad magkakasundo, pero (4) mapipilitan silang magsama isang beses, at maiintindihan ang isa’t isa sa mas malalim na paraan; tapos: (5) sila na! Hindi sila aabot sa mga susunod pang hakbang, at sa (5) ay naghalikan lang naman sila (ito ang pinakabaduy na eksena sa pelikula, buti na nga lang at hindi sila tunay na nagkatuluyan), at mas magkaibigan, imbes na lovers, sila sa katapusan ng pelikula. 

Pagkatapos ng binanggit kong eksena sa taas, lilinisin ni Nakamori ang kanyang coat, saka pupuntahan ang nagnakaw ng kanyang camera. Nakilala pala n’ya ang magnanakaw sa pamamagitan ng mga makulay na sapatos nito: ang kaibigan n’yang may picture sa pabalat ng sikat na magazine. Sabi ni Nakamori, “Ang camerang ito ang puso ko.” Sabi ng magnanakaw, “Wag ka nga! Wag ka nga!” 

Hinihiling natin sa mga pelikula na maging iba sa ibang pelikula. Wag maging pareho. Ang paparating na Shang-Chi and the Legend of the Ten Rings (na papanoorin ko dahil mahal ko si Simu Liu sa Kim’s Convenience), base sa mga trailer, ay katulad lang din ng Thor at Doctor Strange. Pero hinihiling din natin sa mga pelikula na maging pareho lang sa ibang pelikula. Ano ba nga naman ang gagawin ng pelikula kundi ang magtampo, at magreklamo sa magkasalungat na hiling nating mga manonood?

Sinubukan ng Radiance na maging kakaiba at pareho, at nabigo ito. Kakaiba ito, sa pag-alok at biglang pagbawi sa resolusyon bilang kwento ng pag-ibig. Kakaiba ito sa halos parodikal na pelikula-sa-loob-ng-pelikula na siya ngang ginagawan ni Misako ng paglalarawang audio. (Kasama si Nakamori sa test audience.) Pareho ang Radiance, dahil sa pagtatangkang maging pelikula tungkol sa “sangkatauhan,” nauuwi ito sa mga kabaduyan. Sa climax, bago maghalikan ang mga bida, ikinuwento ni Misako na noong bata pa’y gusto n’yang habulin ang araw sa paglubog nito. Sabi ni Nakamori, “Ako man.”


Ang pelikula na rin ang nagbigay ng pinakamagandang sagot sa mga kabaduyan, hindi lamang ng Radiance mismo, kundi ng lahat ng pelikula, at lahat ng kultural na teksto: “Wag ka nga. Wag ka nga.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s