Curb Your Enthusiasm/Kim’s Convenience

Mali bang ikumpara ang Kim’s Convience sa Curb Your Enthusiasm? Pareho naman silang may bidang kalbo na panay politically incorrect ang sinasabi. Sa figura ni Kim Sang Il (Paul Sun-Hyung Lee) at Larry David (Larry David), nagagawa ng dalawang palabas na gawing katanggap-tanggap ang pagjoke tungkol sa mga “hindi katanggap-tanggap na bagay.” Mas marami lang magtsktsk kay Sang Il, samantalang sa Curb, lumalabas na minumura ni Susie (Susie Essman) si Larry mas dahil kinamumuhian n’ya ito, kaysa sa mali-maling gawi ng bida.

Photo by Nextvoyage on Pexels.com


May sandali rin ng utopia sa dalawang palabas. Sa Kim’s, na kayang magpatuloy ng isang maliit na negosyo, tinatag ng mga migrante!, na nasisilbing multikultural na hub para sa Toronto. Sa Curb, na may mga bilyonaryong tulad ni Larry na mabuti ang puso (suportado n’ya ang transition ni Joey Funkhouser [Chaz Bono]) at “engot” (bobo s’ya, hindi buktot). Mas fantastiko syempre ang sa Kim’s. Mas madaling paniwalaan na, bilang trip, mamimigay ng kotse si Larry, kaysa sa kaluwagan sa buhay ng mga Kim.


Hindi ko na kokomentuhan ang nito lang ay pumutok na balita tungkol sa racismo sa set ng Kim’s. Bilang Filipinong panay ang konsumo ng mga produktong Norteamerikano, pinapalagay ko na ang ganitong sitwasyon. Wala pa namang nagsusubok baguhin ang isip ko mula nang banggitin ni Martin (John Mahoney) sa Fraiser na mas mura pang bumili ng bagong asawa mula sa Pilipinas kaysa magparetoke sa Estados Unidos. Nagsusubok ang Powerless at Superstore, pero sana wag na lang. Ewan ko sa mga Fil-Am, pero pinakamahusay pa ring joke na may kinalaman sa Pilipinas sa isang palabas sa Estados Unidos itong mula sa Family Guy:


GLENN: Joe, ang dami mo na ngang natulungan. Hindi ba nahuli mo ‘yung pumapatay sa mga Filipinong nurse nito lang?


JOE: Oo, pero gusto ko may kabuluhan ang ginagawa ko.


Sa reklamo nina Simu Liu at Jean Yoon, nabanggit ang mga script na “lantarang racista.” Nagreklamo siguro sila dito’t natanggal ang mga linya, pero alin kaya ang mga joke na “tagong racista” ang pinagbigyan nila? Samantala, kahit kupal ang imahen ni Larry sa Curb, sa tingin ko karapat-dapat nga s’yang mademanda dahil sexual harassment nga ang ginawa n’ya kay Alice (Megan Ferguson). Pero syempre, sa saninukob ng palabas, at sa sansinukob ding ito, magluluwal lang s’ya ng kaunting porsyento ng kanyang pera para paalisin ang problema. Ang epekto lang sa kanya nito’y maingay na kapit-bahay.


Dapat ay nanatili na lang si David sa “season arc” ng spite store, at umiwas na sa eksplosibong isyu ng kampanyang #metoo. Mahusay ang season 10, lalo na iyong mga unang episode na akala ko’y magkakabalikan sila ni Cheryl (Cheryl Hines). Ang clips mula sa episode na guest si Jon Hamm ang dahilan kung bakit ako nagdownload ng app ng HBO at nagdagdag na naman sa buwanang gastusin.


Samantala, itong season 5 ng Kim’s ang pinakamahina. Ayaw ko talaga ang mga kwento na may kinalaman kay Janet (Andrea Bang). Siguro dahil photographer s’ya. Baka naman galit sa kanya ang mga manunulat? Binalewala ang halikan nila ni Gerald (Ben Beauchein) na cliffhanger mula sa season 4, binigyan s’ya ng “fluid sexuality” (nakipaghalikan s’ya sa babae) na hindi rin naman ginalugad, at, pinakamalala, ibinalik s’ya sa bahay ng kanyang mga magulang, pagkatapos ng pakikipagsapalaran n’ya sa season 1 na makabukod.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s