Friend Zone

Ayon sa mga Ruso, kung gusto mong patawanin ang Diyos, ikwento mo sa Kanya ang iyong mga plano. Napanood siguro ng Diyos itong Friend Zone (dir. Chayanop Broonpakob, 2019), at natawa sa kolektibong pangarap ng mga gitnang-uring ASEANo. Sa pelikula, para bang pumupunta lang sa kanto para bumili ng suka ang mga bida, na isang araw na sa Phnom Penh, sa susunod nasa Maynila, pagkatapos Hong Kong, pagkatapos Kuala Lumpur, saka babalik sa Bangkok.


Halimbawa ang pelikula ng tinatawag kong romcom (romantic commercial, parang “fetch” hindi pa rin nagaganap). Katipo nito ang Sakaling Hindi Makarating (dir. Idanan, 2016) at Kita Kita (dir. Bernardo 2017). Ang ginawa ng Sakali sa Pilipinas, at ginawa ng Kita sa Sapporo, Japan, i.e., binenta bilang tourist destination (kaya “commercial” ang “com”), ginawa ng Friend Zone sa mga bansa ng ASEAN (+, dahil kasama ang Hong Kong). Ibinalot ito isa kwento ng pag-ibig (kaya “romantic” ang “rom”). Wag sanang magkamaling isipin na pagmamaliit ang paggamit ko ng terminong “commercial.” Ilan sa pinakamagandang likhang-sining na paborito ko’y patalastas. At: samantalang nakakabahala ang pagroromantisa sa stalker na si Tonyo (Empoy Marquez) sa Kita (mala-Edward [Robert Pattinson] sa Twilight [dir. Hardwicke, 2008]), hindi pinagsamantalahan ni Palm (Naphat Siangsomboon) ang pagkakaibigan nila ni Gink (Pimchanok Luevisadpaibul).


Syempre pa, may hibo ng seksismo sa diskurso mismo ng “friendzone.” Ang mga “kabaitan” ng mga “mabait” na lalake ay kailangang suklian ng pagsuko ng katawan ng kanilang “kaibigang” babae. Dahil nga hindi naman kupal si Palm, naiwasan ng pelikula ang ganitong bitag. Sa isa sa maraming nakakatawang eksena ng Friend Zone, nang mimili si Palm ng anik-anik sa grocery sa ubod nang gandang Krabi, sa Thailand, hindi s’ya makapagdesisyon kung bibili rin s’ya ng condom. “Isang daan,” sabi ng tindera. Isasama ni Palm ang condom. “Isang daan nobenta.” Aalisin ni Palm ang condom. “Isang daan,” sasabihin ulit ng tindera.


Balik tayo sa Diyos: ang mga bida’y gitnang uri, si Palm ay flight steward, at si Gink ay producer. Kung gagawan ng sequel ngayong 2020 ang pelikula, pareho na silang walang trabaho. Sa pagbabanggan ng Friend Zone at COVID-19, natatanto natin ang kahinaan ang ekonomiyang ang pundasyon ay turismo, at ang panganib na kinasasadlakan ng lahat, kahit ang mga gitnang-uri, na nakadepende sa “boom” period ng kapitalismo. Kung ang isang bansa, sabihin na nati’y India, ay nakakagawa ng gamot, at ang isa pa, ang Pilipinas, ay hindi nakakagawa ng gamot, at ang isa sa mga pangunahing inaasahang pagmumulan ng yaman ay pagbisita ng mga turista, sino sa kanila ang mas makakatindig sa mga krisis tulad nitong pandemya?


Balik tayo sa mga pangarap: pinapangarap ba nating bumalik sa nakaraan, sa normalidad ng pre-2020? Sakaling maging normal na nga ang lahat, anong gagawin natin pag dumating na ang susunod na COVID-19? Bakit hindi tayo mangarap ng isang Pilipinas, isang Timog Silangang Asya, isang mundo, kung saan ang bawat isa’t inaalagaan ang bawat isa? Nang sa gayon, pag binisita natin ang Krabi sa hinaharap, hindi tayo roon pupunta bilang turista sa Thailand, kundi bilang tunay na kaibigan ng sangkatauhan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s