Welcome to Waikiki

Isa sa mga dahilan kung bakit patok sa mga Filipino ang mga palabas mula sa Republika ng Korea ay dahil sa katangiang utopian ng mga ito. Halimbawa na lang ang Welcome to Waikiki, isa sa pinakanakakatawang palabas na napanood ko.

Ang bida ng Waikiki ay si Lee Joon-ki (ginampanan ni Lee Yi-kyung), isang paextra-extra na nangangarap maging sikat na aktor. Sa 20 episodes ng Waikiki, mapapanood ang pagdurusa ni Joon-ki para matupad ang kanyang pangarap. Sa unang episode pa lang, kailangan n’yang magpaikot-ikot para lang sundin ang kapritso ng bida ng palabas kung saan s’ya extra. Ayaw kasi ng big time na aktor na nagsasalita, at mas malala pa, gusto nitong naiintindihan ng lahat ang mga pakumpas-kumpas at paturo-turo nito. Nagpilit naman si Joon-ki na matuto, kahit na hindi lohikal at makatwiran ang hiling ng big time na aktor. Sa climax ng episode, akala ni Joon-ki ay nagpapahalik ito sa pisngi (nasa banyo sila), at kahit may alinlangan, hinalikan n’ya nga ito. Syempre, may kanin pala si Joon-ki sa pisngi, iyon ang tinutukoy ng aktor. Pero hindi mabilang ang mga batang aktor na tunay na nakaranas ng sexual harassment at iba pang krimeng sekswal sa kamay ng kanilang mga superyor. Alalahanin na lang ang kaso ni Harvey Weinstein sa Estados Unidos.


Marami pang dinanas si Joon-ki. Sa isang episode, nabuntal s’ya ng isang babaeng aktor na “method” (nalunok din n’ya ang laway at uhog ng babae). Sa isa naman, kinailangan n’yang wag maligo para di matanggal ang kanyang makeup (kailangan kasing magtipid ang studiong gumagawa ng pelikula). Para hindi masisante, kinailangan n’yang wag tanggalin ang makeup, at iwasang masira ito. Dahil halimaw ang kanyang karakter, pati mga kamay at kuko nito, nakamakeup. Hindi tuloy n’ya pwedeng ipanghawak sa estribo sa bus. Namimilipit tuloy s’ya sa pagtatangkang manatiling nakatayo habang humaharurot ang bus. Sa isa sa pinakamakabagbag-damdaming eksena sa palabas, pagkatapos ng ilang para ng pagdurusa, makakasabay ni Joon-ki ang kapwa n’ya extra. Ilang araw na rin itong nahihirapang sumakay sa bus, dahil kapareho n’yang kailangang wag magtanggal ng makeup. Ito ang utopian sa Waikiki, hindi ka nag-iisa. Kasama ka sa kolektibong pinagsasamantalahan.


Sa mga huling episode ng palabas, sa wakas umarangkada na ang karera ni Joon-ki. May regular s’yang papel sa sikat na Newsroom, at naging bahagi ng isang malaking agency. Ang kaso nga lang, kailangan n’yang itago ang relasyon n’ya sa mahal n’yang si Kang Seo-jin (Ko Won-hee). Sabi kasi ng CEO, sabihin n’yang wala s’yang kasintahan. Mas malala pa, nang magkaroon ng eskandalo sina Joon-ki at isang katrabaho, pinagbawalan si Joon-ki ng CEO na ilahad na wala naman talagang nangyayari sa pagitan nila. Bakit? Dahil dahil sa kontrobersya, mas sisikat si Joon-ki, nagiging mas “bankable” s’ya. Maalala natin dito ang isang sikat na aktor sa Pilipinas, na hindi maamin ang kanyang tunay na pagkatao, dahil makakasira ito sa kanyang “brand.”


May mga sandali sa Waikiki na iisipin talaga ng manonood na hindi mahal ni Joon-ki si Seo-jin, dahil napakalaki ang pinapasakripisyo ng lalake sa babae para sa karera n’ya. Sa huli, pinatunayan ni Joon-ki na mas mahalaga si Seo-jin kaysa sa pagiging artista, nang tangkain n’yang ilahad sa mga reporter ang katotohanan ng kanyang relationship status, kahit ang ibig sabihin nito’y paglabag n’ya sa kanyang kontrata at pagkasipa mula sa agency. Dalawa ang twist: una, bago makapagsalita si Joon-ki, lumabas ang katotohan tungkol sa kanyang katrabaho, na buntis ito’t magpapakasal na, kaya iniwan ng mga reporter ang kanyang press conference (laos na s’ya agad, kinse minutos lang na sikat). Pero mas matindi ang ikalawang twist: pinagalitan pa ni Seo-jin si Joon-ki, hindi rin gusto ng babae na isakripisyo ni Joon-ki ang karera para sa kanya.


Pwedeng sabihin ng mambabasa: wala namang pumipilit kay Joon-ki na maging artista. Kahawig nito ang hirit ng isa pang tauhan sa palabas, si Min Soo-ah (Lee Joo-woo), sa kaibigan ni Joon-ki na si Bong Doo-sik (Son Seong-won). Sabi ni Soo-ah: “Bakit ka ba sulat nang sulat ng kwento sa Internet, kumikita ka ba d’yan?” Sagot ni Doo-sik: “Ito ang nagpapasaya sa akin.” Higit pa sa pera, ang mahalaga ay ang maging masaya. Ang kabuuan ng Waikiki ay testamento sa kapangyarihan ng sining na hamunin ang mga dikta ng kapital.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s