Sa Naputukan at Mapapaputukan Pa ng mga M/Guni-M/Guni sa akdang Apat na Putok ni U Z. Eliserio

 

 

Giselle Cabrera

 

Kalabit. Hindi ng gatilyo kundi pagiging kritikal at pagiging satirikal ng isip ang isang bala na tatama sa mambabasa. Binigyan ng espasyo ang mga posibilidad ng mga tanong sa bawat kwento. Ano ang nangyari? Isa lang ba ang kwento? Makikita sa isa pa niyang kwento? Kwento pa ba ‘to o mula na sa mga totoong tao? O makaaampt na ng sinadyang padaplis lang na gawa ang tinatagong isyu sa bansa o ng buong mundo. Hayag na wala ring sensura sa mga saltia ang may-akda na laging kinaaayawan ng konserbatibong tao/mambabasa, mas natutulungan pa nga nito ang nagbabasa na matutunan nang tumanggap ng kung ano ang likas o pangkaraniwan ng aksyon ng masa. Na walang malaswa o makasariling mga pangungusap kundi ang kahulugan at sensibilidad ay nasa tao.

 

Inihatid tayo ng mga kwento ni U Z. Eliserio hindi lang sa mga tagpuan ng mga bawat pinaputukan (pisikal at ideolohikal), kundi isinama sa pasikot-sikot na eskinita/eskwelahan/kitaan ng mga sitwasyon at mga tanong na: bakit bigla ang paglisa sa mundo ng anak ni Olivia na si Christine? Saan ang totoong lugar ni Asolivia/Olivia? N/magpapatuloy pa ba si GSUS? Anong nangyari sa ina ni Candy? Paano ang tindig ni Loli bilang isang babae? Saan inililibing ang mga batang pina-abort? Ano lahat ang sekreto ng sansinukob? Ano kaya ang una at huling kumpisal ni Rest Eliserio? Paano nakauwi ang kwentong “Uuwi na ang Tatay kong si Joma?” Ano ang lohika sa kapitbahay na feminista? At panghuli, ano ang “Apat na Putok”?

 

Kasabay nito ang sirkus ng mga emosyon/damdamin: likas na saya, ligalig, abang na abang, takot, pangamba, suklam, paghihiganti, pagpapatawad at pagbangon ng sarili at lipunan. Bawat lipat ng pahina, nag-iiwan ng puwang. Hungkag, naghahanapan. Nagkakapaan. Ng sagot. Ikaw mismo ang maghahanap sa akda at sa sarili. Sa lipunan. Ng iyong sagot.

 

Simula sa buting sibat ng ninuno na lumaon ay ginamit sa ganid ng dumating ang mga mananakop sa Pilipinas hanggang sa baril ng diktador, dahas ang pumipigil sa mga tao na lumaban. Isang kalabit, patay, walang dahilan. Walang nakaalam. Nawawala ang tao gayundin nawawalan ng hustisya. Desaparesidos sa Batas Militar. Extra-judicial Killings, Tanim-bala sa mga magsasaka at iba pa sa panahon ng Social Media.

 

Ang pagpapaputok, may pangangailangan na may tamaan. Bumabaon. May ginigising na emosyon. Iniinda ngunit binibigyan kaagad ng ampat. At ang mga akda ni U Z. Eliserio ang siyang isang mabisang magiging ampat sa pamamagitan ng mga balang salita at ideolohiya laban sa mga planadong pagpapaputok ng mga naghahari-harian sa kasalukuyang lipunan. Na unti-unting ipinapalimot din dala ng globalisasyon at neoliberalismo kaya kailangang barilin ang tulog na pag-iisip… mag-isip-isip, makinig, at magbasa. Sumagot. Managot.

 

Dahil lagi’t lagi kapag nagpakawala ng bala, o ng akda sa parang ng panitikan, hindi lang ang nagpapakawala ng bala o naglalathala ng aklat ang may pananagutan batay sa kaniyang gawa kundi ang nagbabasa at iba pa, hiram ang kaniyang linya, “kundi lahat nang nagbigay lehitimasyon sa may baril na hilahin ang gatilyo.”

 

Si Giselle Cabrera ay guro sa Polytechnic University of the Philippines.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s