Ang Nosyon ng Pagnonosyon: Isang Rebyu sa Apat na Putok ni U

Alden Manrique

Usigin ang sarili, ang estado, at ang iba’t ibang sekta ng lipunan, ganun ang koleksyong ito. Walang pretensiyon. Masyadong hayag ang paghuhubad ng mga salita. Walang itinatago, walang tsetseburetse. Bibigwasan kung bibigwasan. Sasalsalin kung kinakailangan. Pero ilan na ba ang nabasanating ganitong akdang pampanitikan? Sa dalang at kaunti, ano ang sinasabi ng mga numero, bastos ito, censored, at nakakahiyang ilabas. Laging may pag-aresto at pagpapanggap sa sarili ang tao. Kaya kapag may nakapagbasa ng mga tulad nito, sisimangot, magtataas ng kilay, at baka mag-antanda pa. Kanino galing o sinong nagsabi para agad husgahan? Maraming dahilan pero mauugat sa pagbabasa ng panitikan. ‘Yon siguro ang sikreto nitong koleksiyon bilang pag-aambag. Kailangan basahin.

Wasak! Ang mga salita at hirit nito ay kongkretong patama sa dictum ng kasalakuyang maligalig, magalaw, at indibidwalisasyon bunsod ng neoliberal na kaisipan. Tayo’y mga titi at puke nitong lipunan na laging naghihintay madampian ng bawat isa upang panandaliang makuryente ng ligaya. Lagi tayong nagsasalsal upang takasan ang realidad patungo sa pantasya para kahit papaano malibang at maaliw. Inihiwalay ang sarili sa mas malaking usapin ng lipunan. Habang komportable na pinoproblema ang sensasyong hatid ng mga aparatong humihimas sa ating mga laman. Meron kasi tayong kahon ng mga bagay. Mga bagay na may halaga at bilang. Halimbawa diploma, karangalan, medalya, pamilya, pangalan, pera, at posisyon. Malaki ang impluwensiya ng relihiyon, edukasyon, at maging ang media sa paghubog ng kaisipan na nakalagay sa ating mga kahon.

Nag-iisip ang tao, hindi pupuwedeng sabihing hindi, siguro ang magandang salita ay nag-iisip mula sa kaninong interest? Dahil katoliko, bastos at immoral kung pag-uusapan ang pagsasalsal at tamod na bahagi ng naturalesa ng katawan. Sa pag-aaral kasi ng Epiko at poklorikong Filipino, ang katawan ay tahasang ginagamit at binabanggit dahil malinis/ pero nang pumasok ang kolonyalista itatago ang katawan at hindi pag-uusapan. Sa Panay Epiko na Amburukay halimbawa. Tahasan niyang hinawakan ang kanyang kepyas para tapik-tapikin at nang lumikha ng tunog na susuri sa kung sino sa mga Buyong (noble man) ang nagsasabi ng totoo, ang tunay na kumuha ng kanyang golden pubic hair. Ngayon, nagmumukhang marumi ang katawan kapag pinag-uusapan kaya ayaw gamitin. Gayun din ang wika na hindi ginagamit. Nagiging “unusual.” Lumalabnaw ang pagkilala at pagsusuri mula sa paglalarawan, pagpapakahulugan, pagtugon upang sa huli iiral ang pakikisangkot.Ginagamit ang wikang mapagpalaya sa pagkukultura. Ganun din ang pagpulas ng mga salita sa koleksyon ito na ayaw magpakahon sa sistemang kombensyunal. Laging nagigiit ng kapahangasan, kabaliwan, at kawasakan.

Sangkot din ang misedukasyon na inilatag batay sa imahen ng kulturang kano na pilit isusubo sa mga bibig ng kasalukuyang lipunang tagakonsumo ng impormasyon at ganansiya na diumanoy magpapataas ng kalidad ng pamumuhay. Mababaw ang pagkilala at pagkilatis ng kabataan sa appreciation ng problema tulad sa ilang karakter sa kwento. Nahuhulog lagi sa personal o individualization ang pagkamit ng nosyon ng kaginhawaan.Tila nauuwi lagi sa pagsasalsal ang diskurso ng paglalatag ng problema nitong henerasyon. Halimbawa, takot tumanggap ng responsibilidad o takot harapin ang task sa buhay nang ismiran ang prof ng estudyanteng binigyan ng responsibilidad at iiyakan ang kababawan ng materyal na nawala. Laging gusto ay pagsusubo. Pagsusubo ng impormasyon sa tulong ng de remote na buhay.

Ang koleksyong ito ay pumupulas sa pagkakatali sa ideolohiya nang dati sa kabila ng pakikisabay at pakikisakay nito sa ligalig. Rerendahan naman nito ang paninimbang ng hirap at sarap, ng tuwa at lungkot, ng dilim at liwanag, ng buhay at kamatayan. Laging maninimbang ang magbabasa sa nais ipakahulugan ng pilosopikal na anyo ng pagsulat na ito. Hal. Mukhang madaling basahin ang mahirap naman talagang babasahin pero gamit ang natural na wika at dulas ng mga hirit kaya nitong pagaanin ang sitwasyon. Hindi mo ibababa ang libro nang hindi lilingon sa realidad ng lipunanat sa huli ay ikaw naman ang magpapaputok dito.

 

Si Alden Manrique ay guro sa Polytechnic University of the Philippines at kasalukuyang tinatapos ang kanyang MA sa Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s